VIENTIANE--May magandang pangarap ang Team Philippines sa kanilang pagtungo dito sa Vientiane, Laos.
Bukod sa determinasyon, nais din ng Pambansang koponan na masilayan ang pangalan ng bansa na bumabandera sa itaas ng pangkalahatang katayuan.
Gayunpaman, bagamat hindi pa gaanong malinaw kung saan hahantong ang lahat ng kanilang pagsisikap, pinaghahandaan na nila ng husto ang lahat kung saan sa loob ng 14 na araw ay magiting silang makikipagbuno sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang sports event.
Puno ng kumpiyansa na maaaring masundan ang tagumpay na silver medal na tinapos ng Philippine water polo team, papagitna ang taekwondo team sa aksiyon ngayong umaga bago magsimula ang opening ceremony sa alas-6 ng gabi (alas-9 ng gabi sa Manila) sa National Sports Complex’s Main Stadium.
Sepak takraw, ang koponan na hindi nakapasa sa POC-PSC criteria sa pagpili ng miyembro ng delegasyon na pinabiyahe pa rin ni PSC chairman Harry Angping ay nakasiguro ng bronze medal sa mahusay na performance ng men’s at women’s hoop team.
Ang kampanya naman ng women’s team nina Desiree Autor, Irene Apdon, Gelyn Evora, Sarah Jane Catain at Rhea Padrigo ay sumablay sa kanilang kampanya para sa silver makaraang yumukod sa Myanmar 580-720, sa kanilang semis sa Laos ITECC Hall 1.
Papagitna naman ang trio nina Camille Alarilla, Janice Lagman at Rani Ann Ortega, winner ng 4th World Poomsae sa Cairo, Egypt, sa pagbubukas ng poomsae event para sa unang limang gintong medalyang nakataya sa taekwondo sa 400-seat Booyong Gym.
Tatangkain din ng tatlo ang kanilang suwerte sa individual competition, na magbibigay ng golds sa men’s team, mixed pair at men’s individual play ng palarong porma ang paglalabanan na hawig sa karatedo kata.
Samantala opisyal ng naging kabahagi ng pamilya ng Southeast Asian Games ang Team Philippines kasunod ngsimple at matahimik na flag-raising ceremony sa loob ng malawak na Athlete’s Village dito.
Binuo ng maliit na 20 kataong personnel na pinamumunuan ni POC president Peping Cojuangco at chef de mision Mario Tanchangco, ang dumalo sa katanghaliang tapat na seremonyas kung saan itinaas ang bandila ng 10 miyembro na kasama ng SEA Games flag sa alphabeticaL order.
https://www.philstar.com/palaro/2009/12/09/530389/25th-southeast-asian-games-sasambulat