Friday, May 09, 2014

EDITORYAL - Kulang sa aksiyon ang National Historical Inst.

Ngayon lang ngumangawa ang National His­torical Institute (NHI). Kung hindi pa binatikos nang binatikos ang maling tiyempo ng pagkaka-awit ni Martin Nievera sa “Lupang Hinirang” noong Linggo sa laban ni people’s champ Manny Pacquiao, hindi pa sila lalabas sa kanilang lungga at nganga­wa. Mali nga raw ang pagkakaawit ni Nievera sa “Lupang Hinirang”. Mabilis daw dapat ang tiyempo ng awit at hindi katulad ng ginawa ni Nievera na mabagal at sa dakong huli ay bumirit. Labag daw sa Republic Act No. 8491 o ang 1998 Flag and Heraldic Code of the Philippines ang rendition ni Nievera. Dapat daw ay mabilis o sa marching tone na talaga namang orihinal na ginawa ng kompositor na si Julian Felipe noong 1898.

Nakapagtataka lamang kung bakit ngayon la­mang pumiyok ang NHI gayung marami na ring nagkamaling singer habang inaawit ang “Lupang Hinirang” sa laban ni Pacquiao. May ilang singer din na binago ang rendition ng Pambansang Awit pero wala namang pagpiyok na ginawa ang NHI. Meron pa ngang singer na hindi alam ang kasunod ng linya ng awit. Halatang-halata ang pagkakamali. Ang masasabing maganda at tamang pagkakaawit ng “Lupang Hinirang” ay nang gawin ito ni Karylle noong Dec. 7, 2008 na laban ni Pacquiao at De La Hoya. Tamang-tama at suwabe ang tiyempo kaya naman nakasabay sa pagkanta ang mga Pinoy na nanood sa laban. Nang kantahin ni Nievera ang “Lupang Hinirang” wala ni isa mang nakasabay sapag­kat nagbago ang tiyempo.

Ang pagkakamali ni Nievera sa pag-awit ng “Lupang Hinirang’’ nagdulot sa kanya nang maraming problema sapagkat sabi ng mga mambabatas, balak nilang kasuhan ang singer. Isa raw itong pambabastos. Pero kung masyadong mabagsik ang mga mambabatas kay Nievera, dapat din namang magpakita sila ng kabagsikan sa mga taga-NHI na walang ginagawa para maproteksiyunan ang Pambansang Awit sa mga bumabastos dito. Hindi lamang ang “Lupang Hinirang” ang nasasalaula kun­di pati na rin ang watawat na kahit gula-gulanit na ay hinahayaan pa ring nakawagayway. Ang NHI sa palagay namin ang dapat kastiguhin dito sapag­kat sila ang nagkulang sa aksiyon.

No comments:

Post a Comment