ILIGAN CITY - Inireklamo sa Inter-agency Task Force (IATF) ang umpukan ng mga tao sa isang car show sa parking lot ng isang mall sa Barangay Tubod nitong Biyernes sa gitna ng patuloy na umiiral na quarantine protocol dahil sa COVID-19 pandemic.
Siksikan ang mga nanood ng show pero pito (7) lang ang na-isyuhan ng ticket ng Iligan City Police Station 4 dahil sa paglabag ng health protocols gaya ng social distancing, pagsuot ng face mask at face shield.
Pagmumultahin ng P1,000 ang mga lumabag sa health protocols.
Ayon kay Iligan City Police Station 1 Commander Police Maj. Zandrex Panolong, nandoon din sila para lang sana magpresenta ng award sa organizers at magpakita ng suporta bilang isa sa benepisaryo ng naturang show-for-a-cause.
Ayon kay Panolong, biglang dumagsa ang mga tao at hindi na kinaya pa ng mga marshal ng event na kontrolin ang mga tao kaya tumulong na ang pulisya.
“Walang kasalanan ang organizers at mall doon. Talagang matigas lang ang ulo ng mga tao. Umalis lang sandali tapos bumalik din. Pinahinto na nga sila ng mall,” sabi ni Panolong.
Hindi rin sila nakapagdala ng ticket dahil hindi nila inasahan ang dami ng tao. Ang Station 4 ang tumugon sa reklamo dahil sakop ang venue sa kanilang area of responsibility.
Paglilinaw ni Panolong na may clearance sa IATF ang event.
Bago rin ang event, nag-post pa ang organizers sa kanilang social media page ng paalala tungkol sa pagsunod sa health protocols.
Inilipat na sa Cagayan de Oro ang kasunod na autocross competition ng mga organizer. Nagbabala rin sila na istriktong ipatutupad ang safety protocols at huhulihin ang mga lalabag.
- Ulat ni Roxanne Arevalo
No comments:
Post a Comment